Monday, 17 December 2012

Sukat


Pagmulat ng mga mata, bumati ang nakalululang kalawakan. Ito’y napakalaking silid na hindi ko makita ang dulo. May liwanag mula sa taas na siyang nagbibigay wangis sa libu-libong pintuan. Kakaiba ang mga pintuang iyon. Nakatayo sila na para bang nakadikit sa mga ‘di nakikitang bahay o gusali. May samu’t sari silang mga kulay, laki, disenyo at materyales. Ang iba’y inukit mula sa nara at imported na kahoy, ang iba nama’y may halong metal at plastik.  Ang iba’y may doorbell o kaya’y may intercom, yung isa nama’y may CCTV camera pa habang ang iba nama’y may butas na sinisilipan mula sa loob. Natawa ako dun sa pangkatok na ukit ng isang lalaking nakabuyangyang ang dalawang naglalakihang bayag. Yung isang pinto labis ang paniniguro; sa pinakalabas, may barandilyang bakal laban sa magnanakaw, tapos sunod yung screen door laban naman sa lamok bago mo makita yung pinakapinto na tadtadn naman ng mga kandado. Yung isa naman pinalamutian ng mga inukit na santo mula sa langit, may istatwa ng Santo Trinidad at may mga anghel na nagsisitrumpeta sa mga ulap. Kung prepresyuhan ang pintong iyon, aabutin ito ng milyon, mahal na kaya ang gold leaf ngayon. Sa may kalayuan may pintuan na tila pinapasukan lamang ng mga bossing sa mga multinational corporation, may salamin sila na maaninag mo ang nasa kabila pero ‘di mo makikita. Kung bakit ko nasabi na sa kanila lamang yung pinto, may pangalan kasi nila ito kasama ang pagkahaba-habang mga titulo. May dalawa o tatlong pinto na parang gas chamber, mabigat ang bakal na ginamit sa kanila paniguradong walang lalabas na hangin mula sa kabilang pinto.
Sa karamihan ng mga pinto at pintuan, ako na naitapon lang naman sa kalawakang ito, ay nagsimulang magtanong kung bakit nga ba ako nandito. Naisip kong baka isa sa mga pintong ito ang daanan-palabas.
Inaaliw ko pa rin ang sarili sa pagbubusisi sa mga disenyo ng libu-libung mga pinto, hanggang sa bigla na lang nila akong kinausap.
“Psst. Gusto mo bang pumasok sa’kin?” sabi ng pintuan na puno ng patay-sinding Christmas light sa palibot. “Bibigyan kita ng daang palabas dito.”
“Wag kang maniwala sa kanya, sinungaling yan,” sabi ng lalaki sa berdeng tarpaulin na nakasabit sa pinto ng isa. “Marami nang napahamak diyan, dito ka sa’kin.”  Pumupungay ang mga mata niya sa ilalim ng kanyang salamin habang sumasayaw ang kanyang kilay.  Umaayon rin ang kanyang bigoteng nakaupo sa maliksi niyang bibig. Kung titilamsik lang ang laway sa labas ng tarpaulin, iisipin niyang binibendisyunan niya na ako. Hindi ko masyadong napakinggan ang kanyang mga sinabi, isang pangungusap lang ang tumatak sa akin mula sa mga sinabi niya, “Bibigyan kita ng buhay na walang hanggan.”
“Maniwala ako sa’yo, peke kang pinto, gaya-gaya,” panunuya ng kerubin mula sa gintong pintuan na puno ng ukit.
“Marami nang pumasok sa pintuang ito, ito ang piliin mo, ako ang magbibigay sa iyo ng buhay na walang hanggan,” sabay-sabay na sambit ng Santo Trinidad.
“Suriin mong maigi ang iyong pipiliin,” sabi ng pintong may intercom at CCTV camera.    
Kumuha ako ng papel, lapis at ruler mula sa aking bag. Nagsimula akong magsukat. Naisip ko kasing mahirap pumasok sa isang pintuan at hindi na makalabas, kaya kailangang swak ito sa sukat ko, kasi kung masyadong malaki ang pinto mabigat ito, at hindi ko makayang itulak papalabas. Kung masyado namang maliit ang pintuan baka hindi ako magkasya dito. Maliban sa sukat, kailangang maayos rin ang itsura nito—detalyado ang disenyo, kapita-pitagan na walang halong pambobola o panloloko. Kaya gumawa ako ng criteria for judging: 50% aesthetic appeal, 20% reliability and honesty, 20% originality and 10% audience impact na ako rin lang naman.
Habang libang na libang ako sa pagsusukat at pagkikilatis ng mga pinto, bumulaga ang isang lalaki. Matagal niya akong pinagmasdan habang nagsusukat ng mga pinto. Bata pa ang lalaki, parang kaedad ko lang siya. Natuwa naman ako’t hindi ako nag-iisa, pero hindi ko muna siya maasikaso, kasi kailangan kong mahanap dito ang pinto. Halos ilang oras ko na rin silang sinusukat at inililista.
Nang hindi na siya nakatiis, nagsalita na siya. “Bakit mo sinusukat ang mga pinto?” tanong niya.
“Gusto ko lang makasigurado,” sagot ko.
“Makasigurado na ano?” tanong niya.
“Na tama ang mapapasukan ko.”
“Ano naman ang batayan mo sa pagsusukat? Ano bang gusto mong pasukan?”
“Gusto kong mapasukan yung pinakamatuwid at pinakamaganda.”
Bigla siyang tumawa ng napakalakas. “Hindi naman kaya kabaong ang hinahanap mo?”
“Hindi, ah!” inis kong sagot, “naniniwala lang kasi ako na isa sa mga pintong ito ang magdadala sa akin sa buhay na walang hanggan. Nang maitapon ako sa kalawakang ito, wala akong ibang ginawa kundi magbusisi ng mga pinto. Hanggang sa isang araw, inalok nila ako ng buhay na iyon. Kaya patuloy na nagsusukat.”
Medyo sumeryoso ang mukha niya. Nagmuni-muni siya ng konti at nagtanong. “Bakit mo hinahanap ang tamang pinto sa pagsusukat ng mga pinto at pintuan? Ayaw mo bang pumasok muna sa mga pintuan para malaman mo kung yun nga ang tamang pinto?”
“Ayoko. Takot akong baka masarahan ng tuluyan sa loob ng isang pinto at dun mamatay.”
Ngumiti lang siya at nagwika, “Tara…”

No comments:

Post a Comment