Monday, 17 December 2012

Kung bakit ang drayber ay sweet lover


Badtrip ako sa mga drayber ng jeep, parati akong nahuhuli sa klase dahil sa kanila. Yung 30 minutos kasing biyahe mula Villa Corazon patungong centro umaabot ng 45 minutos o minsan isang oras. Lagi tuloy akong warning sa mga subjects kong pang 7:30 ng umaga. Minsan inorasan ko talaga ang buong biyahe namin, ginamit ko ang split timer ng cellphone, at nakumpirma na kalahati ng oras ng biyahe namin ay nauubos sa paghihintay. Unang terminal ay lima hanggang sampung minuto sa ilalim ng overpass ng Villa Corazon na walang silbi kundi lalagyan ng tarpaulin ni LRay Villafuerte. Pangalawang hinto ay dalawa hanggang limang minuto sa tapat ng Casureco II kung saan hihintaying lumabas ang mababagal maglakad na pasaherong hindi alam kung sasakay sila o hindi. Pangatlo naman sa shade house sa tapat ng Villa Grande Homes ganun din, hihintayin din ang mga pasaherong lumalabas sa subdibisyon pero di rin sigurado kung sasakay. Pang-apat sa kanto ng Sol St na umaabot minsan ng limang minuto; sunod ay sa tapat ng dating Royal Ann Hotel na para bagang naghihintay ng multong lalabas sa abandonadong gusali; ang sunod na hinto ay special stop kung linggo o may okasyon lang sa Carmelite. At ang huling hinto na pinakamatagal at nakakapikon ay ang distansiya mula sa SSS hanggang Concepcion Church kung saan umaabot ng 5 hangang 7 minutos ang paghihintay habang unti-unting tumatagaktak ang pawis ng mga pasahero sa init at ang iba’y nagmamaktol na’t bumubulong-bulong. Sa lugar na ito bumababa ang mga pasahero na mula Pili hanggang Legaspi, kaya dito rin makikita ang pag-aagawan ng mga jeep sa iluluwang pasahero ng ibang sasakyan, isama na rin ang mga pasahero mula Greenland ng Pequeña. Sa lugar na ito kadalasan dinadapuan ako ng yamot habang binibilang ang natitira pang minuto bago mahuli sa klase o kung hindi pa ba ako absent.

Kahit siguro magngitngit ako sa sobrang badtrip ko sa kanila wala ring magbago, baka kasi talaga sa trabaho nila kailangan talagang maghintay sa halip na mangarera. Sa halip na magreklamo ako (kahit sa isip lang), inisip ko kung pano ang maging drayber. Umupo ako sa unahan ng jeep katabi nila at hinayaan kong dalhin ng biyahe nila.

Natuklasan ko na ang pagiging drayber pala ay parang pagmamakata. Kung mahal ng makata ang salita, mahal naman ng drayber ang kanyang mga pasahero. Magagawa niyang hintayin ang salita tulad ng paghintay ng drayber sa mga pasahero mula sa mga hintuan. Ang masaya sa paghihintay na ito, hindi alam ng drayber kung sasakay ba ang pasahero o hindi. May pagkabagabag sa paghihintay,  may ibang pasaherong nakatingin at nag-aabang rin kung may sasakay o tuluyang masasayang ang ilang minuto nilang paghihintay. Gayunpaman, matiyagang naghihintay ang drayber, dahil sa posibilidad na sumakay. Posibilidad na siyang tanging pinanghahawakan ng bawat drayber sa bawat pasada. Kung bakit kailangan maghintay ng pasahero ay katulad ng paghihintay ng makata sa salita na maghayag ng sarili. Kung sasakay man sila (pasahero at salita) o hindi, kailangan pa rin silang paglaanan ng espasyo para pumasok sa atin.

Ang bawat pasada ay posibilidad, ang pagpara ng pasahero ay mga posibilidad, ang bawat usapan ay posibilidad. Kahit sabihin nating tayo ang may hawak ng manibela, pasahero ang nagtatakda ng kanilang pagsakay at pagbaba, tulad ng salitang dumarating at umaalis, nagtatago at nagpapakita, at tayong mga drayber ay taga-abang lamang sa kanilang pagsakay. Kadalasan, naghihintay tayo sa ating mga nakasanayang hintuan, pero minsan nasa ibang lugar sila’t naghihintay. Yung right place at the right time kumbaga. Ang pagkatuklas ng isang ideya ay posible din sa iba, dahil sa paghihintay mo na dumating ang pasahero sa isang terminal, nakuha naman ng iba yung sasakay sana sa’yo. Pero gano’on talaga, hindi mo pwedeng kunin lahat ng pasahero kahit hintuan mo pa lahat ng hintayan.

Natuwa ako sa ideya na minsan ang engkwentro ng drayber sa pasahero ay parang engkwentro ng makata sa salita. Ang bawat pasahero ay natatangi. Papara’t sasakay sila sa kung saan nila gusto, andun ka nama’t handang patuluyin sila. Uupo sila’t maghihintay hanggang makarating sa pupuntahan, magbabayad. Papara’t bababa. Sa pagitan ng pagsakay at pagbaba, may posibilidad ng pagkilala. May kwentong mapapakinggan o sulyap na mamarka. Mula sa salamin makikita ang iba’t ibang itsura ng pasahero, kung paano sila tumingin saking mga mata. May matutuklasan mga bagong bagay at matutuwa. May mga bagong kwentong mabubuo sa isip at mabibigyan ng karugtong ang kwentong ipinapakita nila, ngunit hindi pa ito ang katotohanan. Kailangang hayaan silang maging sila. Ako’y tagamasid lamang.

Bilang drayber, dapat marunong makinig, wag masyadong lakasan ang radyo kung gustong marinig ang kanilang sinasabi. Ganito nagmarka ang salita sa akin. Dumarating sila sa mga oras na di ko inaasahan, dumadagsa na parang jumackpot sa pagragasa nila. Kailangan pakinggan ng maigi nang maisulat sa papel, kailangan ng pakiramdam at atensyon, baka magmintis ako ng hinto sa kanilang pagpara.

Minsan may pagkakataon na magkwekwento ang mga pasahero, maghahayag ng mga karanasan o opinyon sa kung anuman. Minsan hindi ko sila makuha o maintindihan, pero sa kalaunan nagamay ko na rin. Sa kanila ko natutuklasan na higit pa sa mga kwento ng aking mga kaibigan ang mundo. Ang bawat engkwentro ay may kwento, at ang bawat kwento ay naglalatag ng posibilidad—ng bagong pagtingin sa mundo.  At dahil sa dami ng posibilidad, maging handa kung may manganganak na buntis, kung tututukan ng ice pick ng isang maamong holdaper, kung pahihintuin ng pulis para bigyan ng regalo imbes na hingan ng kotong, o kung magiging biktima ng wow mali at lumabas sa TV.  Ang mga enkwentrong ito ang bubuo sa iyong kwentong pagsasaluhan sa inuman ng mga kapwa makata.


Reflection paper for Philosophy of Language and Culture

No comments:

Post a Comment