Monday, 27 August 2012

Kay Tiya Edad


Sa susunod na mga araw, gugunitain na namin ang unang anibersaryo ng kamatayan ng aking tiyahin na nag-aruga sa aming walo. Hanggang ngayon sariwa pa rin sa aking memorya ang naganap na libing noong isang taon. Nagsiuwian ang mga kapatid ko mula Maynila, Australia at Netherlands. Nagdatingan rin ang mga kamag-anak namin na halos hindi ko na nakikita mula nang mag-away away sila ng aking mga magulang. Gayundin kaming magkakapatid. Si Tiya Edad marahil ang tanging nagbubuklod sa amin.

Sa kanyang kamatayan, nagawa pa rin ni Tiyang kami'y pagtagpu-tagpuing magkakamag-anak kahit na milya milya na ang layo ng mga loob namin sa isa't isa. Kahit kami magkakasama sa lamay, para bang hindi rin kami nagkakausap madalas. Naiilang pa rin kami sa isa't isa. Tanging mga kwento tungkol sa masasayang araw namin kasama ni Tiya Edad sa Libmanan ang napapagkwentuhan namin. Kung pano kami ginigising at pinapaliguan habang may inaantok pa, kung papano kami pinagtatanggol ni Tiya sa mga umaaway sa amin. Tanda ko, isang hapon umuwi yung pinsan kong si Cathy na umiiyak, inutos ni Tiya Edad kay Kuya Boboy na hanapin ang bata at sabi niya, "darhon mo ining payong, sukbita". Tinawanan namin ang kanya-kanya naming kwento ng kapasawayan, kung ilang beses kaming napalo ng stick ng kawayan at kung ilang beses rin naming matagumpay na naitusok sa kanal ang pamalo ni Tiya. Si Ate Patet naman kwinento ang dahilan kung bakit namin tinawag si Tiya Edad na Popi. Nang minsang naghahanap siya ng panty, bigla niyang nakita ang pangalang Popi, buong araw niyang inisip kung sino ito, at nang ikutin niya ito, Idad pala ang nakasulat. Inakala niya pa naman niya na may bagong sulpot na tao sa bahay.Dahil doon nabinyagan si Tiya ng bagong pangalan.

Sa halip na tahimik na burol, umapaw ang tawanan namin habang sinasariwa ang makulay na bokabularyo ni Tiya na tubong La Purisima, Nabua. Para sa kanya ang pusa ay kurasmag, ang manok ay malpak, ang aso ay dayo, ang tubig ay melbig, ang pera ay samagtak, ang bibig ay nguraspak, at marami pang iba. Marahil nakatulong din ang pag-alala naming iyon para malimot rin ang mga iringan at hinanakit. At sana'y hindi pa huli ang lahat sa amin.  

Masakit ang lisanin ng minamahal. Ngunit marahil tanggap na rin namin ang kanyang pamamaalam. Pinagpapalagay ko na lamang na ang kamatayan ay higanteng sibuyas na biglang hiniwa-hiwa upang sabay-sabay tayong lumuha habang umaalala't lumilimot.

No comments:

Post a Comment