Tuesday, 1 May 2012

Suspensyon


Maaring nasabi na ng ilang beses ang sasabihin ko rito, pero sasabihin ko pa rin.

Para sa akin ang pagbabasa ng tula ay pagsalat ng mga imahe na paunti-unting naghahayag ng sarili.  Ang tula ay mga imaheng hinuli ng salita at itinapon sa ere upang danasin ang free fall, upang kusang magtanong at bumagabag.

Sa workshop, binasa namin ang tulang Looking ni Mabi David, kung saan ang photographer ay inilagay sa isang sitwasyon kung saan kailangan niyang magdesisyon kung kukunan ba niya ang larawan ang isang mama sa bingit ng kamatayan. Sa punto ng pagkalabit ng shutter at pagpili niyang kunan ang penomenon na nasa harapan niya, namatay ang photographer at nabuhay ang larawan. Ang epekto ng larawan ay hindi na maaring hawakan ng kumuha nito. Kung papatay o mananakit rin ang larawan ay hindi na mapipigil pa. 

Dito ko rin natuklasan ang konsepto ng suspensyon ng imahe. Ang pagtatangka ng makatang ikahon ang isang penomenon sa lundo nito, sa segundo ng pagdedesisyon, sa milisegundo ng pagbitaw o pagkalabit ng gatilyo. Alam na natin ang mga imaheng susunod, ang tilamsik ng dugo sa kabilang bahagi ng ulo ng vietcong, at ang pagpapakita nito ay pag-insulto sa kakayahang mag-isip ng titingin dito.  

 May isa pang larawang ipinakita si Sir Allan sa amin, ang kuha ni Henri Cartier-Bresson ng lalaking tumalon sa isang puddle ng tubig kung saan hindi pa nagugulo o nasisira ng lalaki ang kaniyang imahe sa tubig. Sa suspensyon ng milisegundong ito ipinanganak ang libu-libong posibilidad. Ang mga surpresang hinahatid ng buhay na hindi lamang hawak ng rasyunal na paghawan sa mga ito.

Ang mga surpresang tulad ng paglitaw ng mga dolphin sa dagat na tinukoy ni Peter Sacks sa kanyang dolphin’s turn. Sabi dito, dolphin's turn is a transformative veering from one course to another, a way of beeing off track to an unexpected desitination. Alam nating ang susunod na eksena sa larawan ni Bresson pero dahil suspended ang imaheng ito, dadalhin tayo nito sa iba pang pwedeng mangyari o iba pang sensasyon o phenomenon na hindi pa nadadapuan ng ating salita.
Nang tinanong kung sino na ang nakakita ng dolphin sa dagat, yung actual nitong pakikipaglaro o pagpapakita, bigla kong natandaan yung biyahe ko papuntang Rapu-Rapu, Albay noong 2006, nang maglitawan ang mga dolphins gilid ng bangka, una kong hinanap ang videocam ko pero isinilid ko pala ito sa lock and lock na tupperware para maiwasan ang sobrang moisture dulot ng dagat, at sa tagal kong mailabas ang camera ko, sa sunod kong pagtingin sa dagat wala na ang mga dolphin, wala rin akong larawang nakuha. basag yung moment. Marahil hindi naman kasi lahat ng imahe ay kailangan hulihin, minsan kailangan mo silang hayaang ganapin ang sarili tulad ng pag-agos ng tubig o pagpatak ng ulan. Marahil hindi rin ako handang kunan ang larawan ang pangyayaring yun, at isang kahangalan ang ginawa kong pagtatangka na kunan ito ng walang kahandaan.

Dito ko narealize na ang paghabi ng metapora ay hindi ganoon kadali, na maari mong sabihin agad ang unang pumasok sa iyong isip. Bunga marahil yun ng sarili nating biases or ideologies na siya nating ginagamit sa pagtingin sa mga bagay-bagay bilang comfort zone. Ang daling mag-interpret ng bagay o pangyayari kapag may sistema nang nariyan sa utak natin, nag-aactivate automatically kapag may pangyayaring naghayag sa harapan natin. Kapag nakakita tayo ng isang imahen, mayroon na agad tayong ideya.

Sa konsepto ng suspensyon, gusto kong isantabi muna ang biases na iyon, tulad ng pag-alis ng sariling antipara at pagiging handang humiram sa iba kung kinakailangan para tingnan ang isang pangyayari mula sa ibang pagsusuri. Ang pagsuspend ay isang desisyon na nangangailangan ng kahandaang maranasan ang pag-ikot ng kalamnan dahil sa kawalan ng bigat (weightlessness) para pumasok ang iba pang metapora na maari tayong dalhin sa iba pang destinasyon. Ito ay pagtitimpi na bigyan ng interpretasyon ang isang bagay agad-agad, ito'y pagpapakumbaba at pag-amin na hindi natin mailalagay ang kabuuan ng phenomenon sa limitadong sisidlan ng ating karunungan.

May kinalaman ang ating tinatayuan nating lupa sa ating mga biases. Sa tulang Geography Lessons ni Conchitina Cruz, inihain ang iba-ibang perspektiba mula sa mga naratibong sabay-sabay na naghahayag ng kanilang mga sarili--ang ating nakikita batay sa kung saan tayo nakatayo, ang galaw ng oras sa lugar na kinatatayuan natin, at ang hamon sa atin na gumawa ng desisyon kung aalis o mananatili sa ating kinatatayuan.

Natutunan ko rito ang kahalagahan ng pagpasok sa mundo ng kwento sa loob ng imahe na kailangan natin ang pagpigil ng sariling interpretasyon natin upang magkwento ang imahe. Hayaan nating hawakang hawakan tayo nito sa pinakaiingatan parte ng ating pagkatao, doon lang natin mararamdaman ang mga pakiramdam na hindi pa dinadapuan ng ating mga salita. Kailangan itong lasapin, hayaang itong dumaloy sa ating pagkatao at tanggapin ang mga sorpresang hatid nito sa atin.

Hindi pa dito nagtatapos ang diskursong ito, marami pang paparating na daluyong ng mga imahe't ideya. Masaya akong maghihintay.

(reflection sa workshop ng Ateneo Literary Association kasama si Allan Popa)
Mayo 1, 2012

No comments:

Post a Comment