Saturday, 12 May 2012

Para kay Pablo

Sabay nating sinagot ang tanong na kung para kanino.
Sabay tayong umawit, nangarap at naglakbay.
Inakyat natin ang mga bundok ng mga ideyang di pa naaarok ng mura nating isipan.
Nilakad natin ang mga lansangang nagpupuyos sa galit at umiiyak sa lungkot,
sumisigaw ka hawak ang plakard, habang ak'y nanonood sa LCD screen ng dala kong digicam.

Pablo, inalay natin ito sa kanila, sa masa. sa mga hindi pa natin kilala,
sa mga kwentong hindi pa natin napakikinggan.
Sabay tayong nakisilong sa kanilang mga tahanan, nakikain ng kanilang mga ulam,
Naki-tatay, naki-nanay.
Sabay nila tayong inampon ng ating paniniwala at pangarap.

Sabay din tayong bumuga ng usok, lumaklak ng redhorse
at nagpasuraysuray kasama nila Karl at Mao,
at sa ating mga tunggalian, pilit nating sinasagot ang ating mga tanong.

Sabay tayong umibig at nanood
habang nagkukulay rosas ang ating mundo
sa gitna ng pakikibaka.
Sabay tayong nabigo.
At bagamat naging matatag ka
at nadurog naman ang aking puso,
hindi ako lumayo,
hindi ako namatay,
nagtanong lamang ako ng "Bakit?"

At sa gitna ng kalituhan, Pablo
Sabay tayong kumatha ng salita,
Sabay tayong gumuhit ng dibuho,
Sabay nating inawit ang awit ng pag-asa

Kahit na may bagyo,
Kahit na may unos,
Kahit may libu-libong kaaway,
kahit na magapi at isa ang matira sa ating dakilang hanay,

Sabay nating inamin sa ating sarili,
hindi natin matatanggap na isa lamang sa atin ang matitira
matapos ang lahat,
matapos ang ating tunggalian.

Pablo,
ang pangalang hiniram ko lamang
sa dakilang makata ng Chile,
mananatili ako sa iyo.
Hindi pa tapos ang digma,
Mahaba pa ang paglalakbay.
Salamat sa iyo,
nabubuhay ako,
ang ako sa iyong kaakuhan,
dahil ikaw ay ako.

1 comment:

  1. ibinabalik kan tulang ini an dating agui agui nin buhay ko bilang saro sa mga nagkukurahaw para magimata an mga tawong nagtuturog-turugan, para maribayan an siklong raot... nakakadara. nakakahibi.

    ReplyDelete