Wednesday, 3 October 2012

Reflection Paper: Reaching Rommel



Sa aking karanasan, maraming Mr. Tyler ang humikayat sa akin sa iba't ibang paraan para magbasa, hindi kinakailangan na maging guro sila o buhay na tao. Ang bawat engkwentro ay isang bagong tuklas na pinto patungo sa kanilang mundo.

Marahil mapalad ako dahil meron kaming mga libro sa bahay. Parehong guro ang aking mga magulang at sinikap nilang mabilhan kami ng encyclopedia, children's book, atlas, at condensed literary collections. Pinakapaborito ko sa mga libro sa bahay ang Arthur Mees Children's Encyclopedia. Kasama ko ito tuwing tumatakas ako mula sa sunod-sunod na utos ng mga kuya at ate ko, kasama ko ito tuwing nagbabanyo ako nang halos isang oras para tapusin ang isang kwento o artikulo, kasama ko ito bago matulog. 

Sa koleksyong ito naging kaibigan ko sina Winnie the Pooh at Alice ng Wonderland, nasaksihan ang rebolusyong Pranses kasama ang mga pagpugot ng ulo ng mga hari at reyna, naglibot sa malalayong kaharian sa Aprika, gitnang Europa, at Asya, at gumawa ng kung anu-anong experimento sa likod ng aming bahay.

Hinubog ng pagbabasa, paglalaro at panonood ng TV ang aking kabataan. Sa mga cartoon na pang alas diyes ng umaga ako nahilig sa panitikan. Sina Judy Abbot, Huckleberry Finn, Annie Giddygaddy, Heidi, Romeo at Remy ang nagpakita sa akin na masayang magbasa. Si Alfred, isang karakter sa seryeng Mga Munting Pangarap ni Romeo ang una kong idolo, sa isang kabanata ng kwento, isinalin niya ang isang nobela sa edad na 14. Sa serye ding ito nagkaroon ako ng interes sa arkitektura dahil sa rikit na taglay ng katedral ng Milan. Nangarap ako kasabay ni Heidi, sabay naming pinanood ang nagliliparang letra at nota, kasabay ng mga kambing na pinapastol nila ni Peter, sa kalangitan ng Alps.

 Sa mga nakababata sa aming magkakapatid ako lang nahilig magbasa ng panitikan, hindi ko masisisi ang mga kapatid ko dahil ang mga Sabado't Linggo namin noong bata pa kami ay nauubos sa pagtulong sa gawaing bahay at pagtulong sa negosyo. Hindi cynical ang pananaw ko sa mundo noong bata pa ako, malawak ang inaabot ng aking imahinasyon. Gumagawa nga ako ng sarili kong mga kwento't iginuguhit ko ang mga eksena sa likod ng mga karton ng sigarilyo. Hindi ito normal sa isang pamilyang napakapraktikal mag-isip, kaya tinatawag akong abnormal ng mga kapatid ko.

 Pagdating ng high school, naging akademiko ang naging turing ko sa pagbabasa. Nagbabasa lamang ako ng iniuutos na basahin ng aking mga guro. Nagbasa lang ako ng A Tale of Two Cities at David Copperfield dahil required ito ni Ma'am Sally Tapan at Ma'am Eden Maguigad. Nagalit din ako sa pagbabasa dahil sa katakut-takot na karanasan ko sa SRA. Hindi ko talaga gustong magbasa sa isang aircon na silid, parang may maliliit na kamay na humihila sa talukap ng mga mata ko pababa. Maya-maya'y mamamalayan kong naglalaway na ko't humihilik, habang pinagtatawanan ng mga kaklase ko. Ayoko ring sumagot ng mga tanong sa SRA booklet. Namatay ang interes ko sa pagbabasa.

 Binago ng mga kaibigan ko noong nasa kolehiyo ako ang aking pananaw sa pagbabasa. May mga taong nagbalik sa aking interes dito. Ang pangangailangang sa pagtanggap ang nag-udyok saking magbasa. Siyempre, kailangan kong makipagsabayan sa pinag-uusapan nila, kaya hinamon ko ang sarili kong magbasang muli. Nakita ko ang silbi ng O'Brien, nung first year ako, naubos ko ang mga libro ni Sidney Sheldon at ang mga unang libro ng Harry Potter. Pagdating ng second year hanggang fourth year, nakilala ko ang gawa ng mga lokal na manunulat tulad nina Ambeth Ocampo, Rolando Tolentino, Bienvenido Lumbera, Jason Chancoco at Kristian Cordero. Andiyan rin ang mga gawa nina Foccault at Derrida si Pilosopiya, Bhabha at Thiong'o sa literatura, at Chomsky sa kultura't lengwahe. 

 Malaki ang ambag ng Pillars sa kamalayan ko sa lipunan. Matapang at radikal, ngunit masaya't romantiko rin. Sina Emmanuel Lacaba at Edgar Jopson na pawang mga makatang-mandirigma ang nagbigay sakin ng ibang pananaw sa pagsususlat. Si Jose Lacaba (kapatid ni Emmanuel), na siyang sumulat ng Days of Disquiet, Nights of Rage, ay maihahambing ang tatas sa lengwahe sa paghabi ng imahen ni J.K. Rowling. Sa kanyang detalyadong deskripsyon ng Sigwa sa Unang Kwatro (First Quarter Storm) sa huling parte ng dekada 60 at unang mga taon ng dekada 70, maamoy mo ang dugo't pawis ng libu-libong kabataang sumali dito, kasabay ng usok mula sa pulbura't molotov na sumasabog; maririnig mo ang pagsigaw nila ng “makibaka, wag matakot!” habang umaalingawngaw ang mga sirena ng metrocom; mararamdaman mo ang takot sa bawat pagsapit ng dilim habang bali-balita pa lamang ang nakaambang pagdedeklara ng Batas-Militar. Ganito inilarawan ni Lacaba ang rebolusyon, isang balon ng panitikan. Ngunit, hindi na bago sa aking kamalayan ang mga sinulat nina Marx, Engels at Lenin. Sa unang taon ko palang sa kolehiyo, pinagbasa na ako ni Dean Reganit ng librong Pedagogy of the Oppressed ni Paulo Freire.

 Binago ng edukador mula Timog Amerikang si Freire ang pananaw ko sa edukasyon at pagbabasa. Sa kanya ko natutunan na hindi lamang ABC at 123 ang kailangan ituro sa paaralan. Kasabay ng pagtuturo kailangang lubos na maintindihan ng bawat guro ang pangangailangan, damdamin at pangarap ng kanyang mga mag-aaral.

 Ang mga mag-aaral ay hindi mga bangko na pag-iimpukan ng karunungan at kokolektahin sa tamang panahon. Tulad ng paghahambing ni Cordero sa kanyang tulang “Kamuti” ang sistemang ito ng pagtuturo, hindi mga paso ang mga mag-aaral natin na tatamnan natin ng mga wakag ng karunungan at hihintaying magkalaman. Sila'y mga buhay na indibidwal na may kakayahang mag-isip ng tulad natin, na kung magtitiwala tayo sa kanila ay higit pa sa pagmememorya ang kanilang kayang matutunan.

Minsan iniisip kong repleksyon ang mga estudyante ng kanilang mga guro. Marahil may mali sa kaisipang ito, ngunit may punto din marahil. Aminado ako na marami pa akong kailangang basahing libro, kulang na kulang ang aking kaalaman para masabi kong magiging mahusay akong guro. May kaba sa aking dibdib para sa magiging estudyante ko sa hinaharap. Natatakot ako dahil kung kulang ang aking alam, kulang rin ang kanilang matututunan mula sa akin. Kung sa isang bukal, tigang na tigang pa rin ako. Hindi ko pa magagawang umapaw at magbigay ng nalalaman. Natatakot ako na baka mangamote rin ako.

 “You cannot give what you do not have.” Ito ang paboritong linya ng ilang guro ko dito sa Ateneo na sya ring nagsisilbing hamon sa tulad kong mag-aaral ng kursong Secondary Education. May panawagan sa akin bilang isang guro sa hinaharap na pahusayin ang aking sarili. Magbasa pa, matuto, maging bukas ang isip sa lahat ng bagay. Talunin ang cynical na pananaw sa loob ko. 

Gusto kong lumaya mula sa tanikala ng kamangmangan, at kailangan kong lumaya mula sa pagpapakasapat sa antas ng pag-alam, mababaw na pag-intindi at payak na paggamit ng karunungan. Kailangan kong sipatin ang mga bagay mula sa iba't ibang pananaw, mag-analisa bago humusga at lumikha ng mga bagong bagay mula sa kung anong alam ko na. Ika nga ng kaibigang kong si Jusan, "hindi lamang kinakain ang libro". Para sa akin kailangan nilang manahan sa ating kamalayan upang iparanas nito sa atin ang mundo, at ang kalakip nitong mga damdamin at pangarap. 

 Kailangang balikan ang mga nalimutang pangarap ng ating kabataan, ang mga pangarap na nilusaw ng kutya at takot. Marahas ang parktikal na mundo sa mga nangangarap, sa mga nagbabasa, sa mga nakaririnig ng musika't sumasayaw rito (paumanhin kay Nietzsche). Kung magiging guro tayo't walang pagmamalasakit sa mga pangarap na ito, wala tayong mahihikayat na magbasa. Hindi lamang ABC at 123 ang kailangang matutunan ng mga mag-aaral, kungdi ang mangarap. Panawagan ito sa atin bilang mga guro sa hinaharap na balikan ang mga nalimot nating pangarap, baka dito natin makita ang ating mga sarili, baka dito magsimulang dumaloy muli ang tigang nating mga bukal. 

Malaki ang idinulot na pagbabago sa akin ng mga nabasa kong mga libro. Minsan umaabot sa puntong umiiwas ako sa aklat dahil sa potensyal nitong gawing roller coaster ang buhay ko. Ngunit may kung ano sa libro na nag-iimbita sa aking basahin sila. Marahil hindi ako ganito mag-isip, kung wala akong nabasang mga libro. Ika nga ng katagang sinabi ni Isaac Newton na nakasulat sa t-shirt namin noong 4th year high school kami “The reason I can see farther than the others is that I'm standing on the shoulders of giants.”